Nagkukumahog ang mga tao pauwi sa kani-kanilang mga pamilya matapos ang isang araw sa trabaho. Pinipilit umabot sa inihandang hapunan sa hapagkainan.
Isa ako sa libu-libong nakikipagbuno sa kumpol na taong bumabyahe pauwi ng bahay. Batid kong gyera ang susuungin makasakay lamang sa tren na nagbabadyang magtaas ng presyo ng pasahe sa mga susunod na buwan. Sa pila pa lang papasok ng Ayala Station, daig na ang pila ng lotto para sa bola ng 6/55 na may premyong 350 Milyon. Punas ng pawis, hinga ng malamim, punas ulit ng pawis habang nakapila. Tatanaw sa kawalan, mag-iisip, tititig sa isang bahagi ng sahig, at panonoorin ang mga taong dumadaan. Bente minutos ang inabot maipasok lamang ang magnetic card sa machine.
Punas ng pawis. Tumungo ako sa paboritong yellow lane ngunit maraming nang pasahero ang nauna sa akin. Punas ng pawis. Dumaan ang apat na tren na puno ng mga nakasimangot na nilalang, pero hindi parin ako nakasakay. Isa, dalawa, tatlong tao lamang ang nagtatagumpay makapasok sa pintuan. Nasa likuran ako ng isang mama (Mamang liit), nagkaroon ng konting pag-asa sa inaasam kong lumulan sa tren.
Dumating ang ika-limang tren, nagkasikuhan, nagkatulakan, nakapasok si mamang liit. Naitulak ako paloob...ngunit ano ito....Apat na tao ang sumalubong at nagpumilit makalabas sa masikip at mainit na impyerno. Apat na taong bumangga at tumulak. Apat na taong nagdala sa akin palabas ng tren. Hindi maaari ito. Tuloy ang laban. Walang patid ang brasuhan, urong-sulong ang mga paang nais makalabas at makapasok ng tren. Walang nagawa ang bugbog kong katawan, bahala na ang mga walang disiplinang tao na magdala ng akin sa loob tren. Isa pang mama ang kinailangang lumabas, tinulak ako palabas sabay ang tulak ng mga mamamayan sa akin paloob. Hindi na diretso ang aking pagkakatayo. Nakakiling na ang aking katawan sa mama habang siya ay bumabagsak patalikod. Ngunit malakas sya at hindi rin sya bumagsak dahil sa dami ng tao sa kanyang likuran. Matapos ang isang iglap, nakalabas ang mama, napadpad ako sa gilid ni mamang liit, nakapasok rin ang sampung matatag na hindi maimpinta ang mga mukha sa pagkakaipit. Di mahulugang karayom ang loob ng tren.
Si mamang liit, nakakalang ang baba sa likuran ng isang matanda. nakapatanong naman ang aking mga kamay at bag sa balikat ni mamang liit. Sa harap ko, isang nakasalaming payat na walang pakialam. Katalikuran ko ang isang mamang nakasandal narin sa akin. Sa kanan naman ay isang singkit na naka-gusot mayaman na barong. Sa upuan, isang mamang nakanganga habang natutulog at isang mamang naunuod ng Naruto sa kanyang I-Touch, hindi alintana ang hirap na nadarama ng mga pasaherong nakatayo tulad ko. Hindi makapagpunas ng pawis. Bawat galaw, bawat preno, bawat alog ng tren ay may katumbas na unggol na "AHH" sanhi ng pagkakaipit.
Bawat hinto ng tren sa mga istasyon, may eksena. May sisigaw na "palabasin po muna ang mga bababa" o "may lalabas pa ho" pero parang wala silang kausap. Mga pipit bingi na ang mga pasaherong nagpupumilit makasakay at makauwi. May nagmura, may nagmakaawang "wag naman pong manulak". May mga sumigaw ng "Aray". May mga umiling sa pagkadismaya sa pangyayari, at ang iba napa"tsk tsk tsk" na lang. Sa Ortigas Station may sumakay na matandang babae, may nagkomento "Naku nanay, dito pa kayo sumiksik". Walang nagmagandang loob na paupuin ang babae. Ang driver ng tren ay nagsabing "umurong po tayo sa bandang gitna", "warning buzzer na po, next train na lang sa mga hindi makakasakay", "huwag po nating pigilin ang pagsara ng pinto","humawak po tayo mga safety handrails at iwasang sumandal sa magkabilang pintuan ng tren", walag pumansin, walang nakinig. Sambit muli ng driver "Magingat sa mga mandurukot".
Si singkit sa aking kanan ay napakapa sa kanyang bitbit na plastic, dumukot sa kanyang mga bulsa, di mapakali, napa-iling, inaaninag kung may nahulog sa sahig. Gusto ko sanang tanungin kung ano ang nawawala sa kanya, ngunit maging ang aking bibig ay pagod na sa nadaramang hirap. Tahimik na lang sa pagkapkap sa kanyang sarili hanggang sa walang nagawa kundi bumaba sa Cubao Station.
Last station na, North Avenue station. Ang puti at lukot kong polo ay lalong nalukot at nangutim. Kahit gutom, itinuloy ang paglakbay pauwi sa bahay. Wala nang inabutang kasalo sa hapagkainan, at wala na ring pagkain. Isinumpa ang nakakainis na karanasan, sinisi pangit na oras sa pagpasok at pag-uwi. Ngunit bukas at sa darating pang mga bukas, sasakay parin sa treng kinagisnan.