Tuesday, December 14, 2010

Wild Wadi




I had a great time when we first visited Wild Wadi, Dubai, UAE.  As a proof, i uploaded this video taken by my friend.  Feel free to laugh!

Wednesday, November 17, 2010

MRT

Nagkukumahog ang mga tao pauwi sa kani-kanilang mga pamilya matapos ang isang araw sa trabaho. Pinipilit umabot sa inihandang hapunan sa hapagkainan.
Isa ako sa libu-libong nakikipagbuno sa kumpol na taong bumabyahe pauwi ng bahay.  Batid kong gyera ang susuungin makasakay lamang sa tren na nagbabadyang magtaas ng presyo ng pasahe sa mga susunod na buwan.  Sa pila pa lang papasok ng Ayala Station, daig na ang pila ng lotto para sa bola ng 6/55 na may premyong 350 Milyon.  Punas ng pawis, hinga ng malamim, punas ulit ng pawis habang nakapila.  Tatanaw sa kawalan, mag-iisip, tititig sa isang bahagi ng sahig, at panonoorin ang mga taong dumadaan. Bente minutos ang inabot maipasok lamang ang magnetic card sa machine. 
Punas ng pawis. Tumungo ako sa paboritong yellow lane ngunit maraming nang pasahero ang nauna sa akin. Punas ng pawis.  Dumaan ang apat na tren na puno ng mga nakasimangot na nilalang, pero hindi parin ako nakasakay.  Isa, dalawa, tatlong tao lamang ang nagtatagumpay makapasok sa pintuan.  Nasa likuran ako ng isang mama (Mamang liit), nagkaroon ng konting pag-asa sa inaasam kong lumulan sa tren.
Dumating ang ika-limang tren, nagkasikuhan, nagkatulakan, nakapasok si mamang liit.  Naitulak ako paloob...ngunit ano ito....Apat na tao ang sumalubong at nagpumilit makalabas sa masikip at mainit na impyerno.  Apat na taong bumangga at tumulak. Apat na taong nagdala sa akin palabas ng tren. Hindi maaari ito.  Tuloy ang laban.  Walang patid ang brasuhan, urong-sulong ang mga paang nais makalabas at makapasok ng tren.  Walang nagawa ang bugbog kong katawan, bahala na ang mga walang disiplinang tao na magdala ng akin sa loob tren.  Isa pang mama ang kinailangang lumabas, tinulak ako palabas sabay ang tulak ng mga mamamayan sa akin paloob.  Hindi na diretso ang aking pagkakatayo. Nakakiling na ang aking katawan sa mama habang siya ay bumabagsak patalikod.  Ngunit malakas sya at hindi rin sya bumagsak dahil sa dami ng tao sa kanyang likuran. Matapos ang isang iglap, nakalabas ang mama, napadpad ako sa gilid ni mamang liit, nakapasok rin ang sampung matatag na hindi maimpinta ang mga mukha sa pagkakaipit. Di mahulugang karayom ang loob ng tren. 
Si mamang liit, nakakalang ang baba sa likuran ng isang matanda. nakapatanong naman ang aking mga kamay at bag sa balikat ni mamang liit. Sa harap ko, isang nakasalaming payat na walang pakialam.  Katalikuran ko ang isang mamang nakasandal narin sa akin. Sa kanan naman ay isang singkit na naka-gusot mayaman na barong. Sa upuan, isang mamang nakanganga habang natutulog at isang mamang naunuod ng Naruto sa kanyang I-Touch, hindi  alintana ang hirap na nadarama ng mga pasaherong nakatayo tulad ko.  Hindi makapagpunas ng pawis.  Bawat galaw, bawat preno, bawat alog ng tren ay may katumbas na unggol na "AHH" sanhi ng pagkakaipit.
Bawat hinto ng tren sa mga istasyon, may eksena. May sisigaw na "palabasin po muna ang mga bababa" o "may lalabas pa ho" pero parang wala silang kausap.  Mga pipit bingi na ang mga pasaherong nagpupumilit makasakay at makauwi. May nagmura, may nagmakaawang "wag naman pong manulak".  May mga sumigaw ng "Aray".  May mga umiling sa pagkadismaya sa pangyayari, at ang iba napa"tsk tsk tsk" na lang.  Sa Ortigas Station may sumakay na matandang babae, may nagkomento "Naku nanay, dito pa kayo sumiksik".  Walang nagmagandang loob na paupuin ang babae. Ang driver ng tren ay nagsabing "umurong po tayo sa bandang gitna", "warning buzzer na po, next train na lang sa mga hindi makakasakay", "huwag po nating pigilin ang pagsara ng pinto","humawak po tayo mga safety handrails at iwasang sumandal sa magkabilang pintuan ng tren", walag pumansin, walang nakinig. Sambit muli ng driver "Magingat sa mga mandurukot".
Si singkit sa aking kanan ay napakapa sa kanyang bitbit na plastic, dumukot sa kanyang mga bulsa, di mapakali, napa-iling, inaaninag kung may nahulog sa sahig.  Gusto ko sanang tanungin kung ano ang nawawala sa kanya, ngunit maging ang aking bibig ay pagod na sa nadaramang hirap.  Tahimik na lang sa pagkapkap sa kanyang sarili hanggang sa walang nagawa kundi bumaba sa Cubao Station.
Last station na, North Avenue station. Ang puti at lukot kong polo ay lalong nalukot at nangutim. Kahit gutom, itinuloy ang paglakbay pauwi sa bahay. Wala nang inabutang kasalo sa hapagkainan, at wala na ring pagkain.  Isinumpa ang nakakainis na karanasan, sinisi pangit na oras sa pagpasok at pag-uwi.  Ngunit bukas at sa darating pang mga bukas, sasakay parin sa treng kinagisnan.

Friday, October 8, 2010

Joke at Ewan

Naniniwala ba kayo sa kasabihang “Jokes are half meant”?  Pwede rin kaya itong gamitin pagdating sa pag-ibig?  Seseryosohin kaya ng isang tao kapag biniro mo sya na mahal mo sya o may gusto ka sa kanya?

Sa mga taong likas na mapagbiro at papangalanan nating “EWAN” eh parang napakadali lang sa kanilang mang trip sa mga karaniwang tao at sabihin para na may gusto sya sa isang tao. Araw-araw nilang pwedeng banggitin na crush ka nya, na in-love sya sayo….sa una pwede mong sakyan, pwede kang maki-ride sa trip ng isang tao na hindi mo alam kung seryoso ba o hindi.  Kapag napagod ka na sa pagsakay sa byahe ng mga taong EWAN at naiirita ka na sa mga panloloko at umiikot na ang ulo mo kung paano patatahimikin ang taong EWAN eh ikaw rin ang kawawa.  Sasabihin ng mga EWAN na “Bakit ka napipikon? JOKE nga eh”.  Kapag sineryoso mo naman eh ikaw parin ang talo…sasabihin nilang “bakit mo sineseryoso, JOKE nga eh! Feeling ka naman!”  Hanggang sa hindi mo na alam kung saan mo ilulugar ang sarili mo.  Magiisip kung napaparanoid ka lang ba para isipin na mahal ka ni EWAN o sadyang pikon ka lang talaga.  Pero sa milyun-milyong taong pwedeng paglaruan, eh bakit ikaw? Bakit hindi ginagawa ng mga EWAN sa ibang tao?  Dahil ba masarap asarin ang mga taong pikon o marahil nga na may gusto ang EWAN na yun sayo?


Masarap siguro kung ang EWAN na nangaasar sayo eh gusto mo rin kasi mas masaya yung ganun, mas madali, mas mabilis mauwi sa isang relasyon…  Ngunit kung ang EWAN na nangungulit eh ang taong ayaw mo o taong hindi pasado sa standards mo o hindi ang taong pinapangarap mo o hindi mo lang talaga makita ang taong yun na “kayo”….. Paano mo kaya dadalhin ang sitwasyon?

Maaring ang mga EWAN na tinutukoy ko eh itong mga sumusunod:

EWAN TORPE – mga ewan na hindi kayang magseryoso dahil nga nachochope kaya dinadaan sa biro.

EWAN TRIP – mga ewan na talagang malakas lang mang trip. (Self-explanatory)

EWAN TAKEN – mga ewan na may mga boyfriend/girlfriend na kaya pag may trip sila na ibang tao eh dinadaan na lang sa biro.

EWAN SAFE – mga ewan na play safe para nga naman kapag panget ang reaksyon ng taong niloloko eh safe parin…Joke nga eh!

EWAN UNSURE – mga ewan na hindi pa sigurado sa nararamdaman nila na karaniwang nagiging ewan safe.

EWAN REAL – mga ewan ng ginagawa talaga magbiro dahil yon ang style nila sa panliligaw.


Para naman sa mga taong malimit nabibiro na tatawagin nating JOWK eh may mga kategorya din para sa kanila.

JOWK PIKON – mga jowk na ang sarap asarin kasi nga pikon.  Kadalasang mga iyakin ang mga taong ito.

JOWK TAKEN – mga jowk na may mga boyfriend/girlfriend na kaya dinadaan na lang sa biro ng mga ewan.  Counter part ng mga ewan taken.
JOWK FEELING – mga jowk na pakiramdam nila eh may gusto lahat ng nagbibiro sa kanila.

JOWK PERFECT – mga jowk na pinagpala ng diyos sa guwapo o ganda kaya ang sarap biruin at ang mga ewan eh nagbakasakali lang na makabingwit ng ganitong jowk.

 JOWK PANGARAP – mga jowk na pinapangarap ng mga taong ewan.


Kung bakit ba naman sa dinami-rami ng pwedeng ibiro sayo, pag-ibig pa ang niisip ng mga EWAN.   Sa tingin ko, maselang usapan ang mga biruan tungkol sa pag-ibig.  Ano man ang dahilan: mahal, type, gusto, trip, crush…iba pa rin ang dating…kawawa ang mga JOWK na tao…hindi mo sila masisisi na magisip ng malisya o maguluhan kahit na sa tingin ng mga EWAN eh JOKE lang!  OK lang sana kung napagtripan ka lang isang araw eh. Paano kung araw-araw?   Kahit sabihin mong JOKE yun, may laman yun!  Puso ang pinaguusapan dito!

Kung ikaw ay isang taong JOWK, saan mo ilulugar ang sarili mo?  Lalagyan mo ba ng kahulugan ang mga biro ng mga taon EWAN o ituturing mo lang ito na isang napakalaking biro?  Ano ang magiging reaksyon mo kung ayaw mo sa taong EWAN na nagbibiro sa iyo?  Paano kung gusto mo?

Kung ikaw ay isang taong EWAN, ano ang motibo mo para magbiro tungkol sa pag-ibig?  Dapat bang laging idaan sa biro ang pag-ibig?  Type mo ba talaga ang isang jowk o biro mo lang talaga ang lahat?  Sigurado ka ba sa nararamdaman mo?

Kung tutuusin, marami rin namang nagkakatuluyan dahil lang sa biruan, kahit wala akong kilalang sikat na personalidad eh alam kong nangyayari ito. At hindi malabong mangyari sayo ito.

Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sayong Crush kita, gusto kita, mahal kita?

Ewan ko sayo!!! Joke nga eh!!!

Balat ng Pistaccio

Alas dos ng madaling araw, ikalawang araw sa buwan ng Setyembre taong dalawang libo at walo sa tabi ng pader ng C2 block malapit sa 2 malaking basurahan. Hindi na naman mapagkatulog ang dalawang magkaibigan sapagkat kakakain lamang ng pancit canton. Sa umagang ito, hindi Lucky Me ang iniluto kundi Indo Me na may flavor na Mi Goreng. Gawa sa Indonesia na mabibili sa lahat ng suking tindahan dito sa Dubai. Solve sa pagkain kasabay sa panulak na Buco Juice in can.

Matapos kumain at humithit ng Marlboro lights, sinimulan muli ang kuwentuhan ng kung anu anong bagay.

Tumayo ang aking kaibigan na itatago natin sa pangalang Dyesibel. May nakitang isang malutong na balat ng pistaccio. At sa di inaasahang pangyayari ay sinimulang sipain ito…..

Bricks ang sahig ng aming accommodation kaya't sa katabaan ng utak ni Dyesibel ay may naisip siyang trip.

Simple lang ang trip. Kapag pumatong ang balat sa ibabay ng brick ay OO ang katumbas nito. Kapag sa pagitan ng bricks bumagsak ang balat ay HINDI ang kahulugan sa bawat tanong na babanggitin.

Unang tanong, "Magiging kami ba ni **tutut** balang araw?", sambit ni Dyesibel. Walang anu-ano'y sinipa ang balat at umibabaw sa isang brick. Kinilig si Dyesibel. Halatang may konting paniniwala na totoo ang kasagutan ng walang alam na balat ng Pistaccio.

Ang unang tanong ay nasundan pa ng kung anu anong tanong tungkol sa pag-ibig, pagkakaibagan, buhay, career, etc.

Nakatutuwang isipin na minsan, sa buhay ng tao, ay may mga katanungan tayo na ibinabase sa mga bagay o pangyayari na wala namang kasiguraduhan o katotohanan man lamang.

Marahil ay naingkwentro nyo narin ang katagang "He/ She Loves me, He/She loves me not". Kadalasang may hawak ng bulaklak ang taong nagsasabi nito at tinatanong kung mahal sya ng taong napupusuan. Iba naman ang kaso ng commercial ng Purefoods Tender Juicy hotdog na kung saan ay hotdog ang ginamit ng bidang bata na inaakalang makakasagot sa kanyang katanungan. Si Patrick Garcia (Carlo) pa ata ang crush nya kung hindi ako nagkakamali. Ang sagot ng hotdog…… love ni Patrick ang matabang bata. Kinilig naman ang bata at nabusog pa.

Hindi mo rin napagdaanan ang pagiging bata kung hindi mo ginawa ang mahiwagang papel. Ang papel ay itutupi hanggang sa maging mukhang puppet. Ang bawat tatsulok na tupi ay susulatan ng numero o kulay na pagpipilian ng taong magtatanong. May katumbas na adjective sa likod ng bawat numero o kulay. Ibubuka't isasara ang tinuping papel saka papipiliin ang inosenteng bata. Minsan ay hihipan pa bago isiwalat ang nakasulat sa loob. Madalas ay matalino ang lumalabas sa pinili kong sulat kaya hanggang ngayon ay pinipilit kong paniwalain ang sarili kong matalino ako.

Sa loob ng classroom, iba naman ang trip ng mga estudyante. Hindi ko alam kung uso sa inyo yung seat plan? Sa isang papel o pag sosyal ng konti eh folder eh maglalagay ng mga boxes at nakasulat duon ang pangalan ng taong nakaupo sa bawat silyang katumbas sa seat plan. Kailangan lang ng 25 cents para paglaruan ang seatplan ni Maam. Halimbawa, magtatanong ang estudyante kung sino ang may putok sa classroom. Ihahagis ang coin at kung sino ang kawawang parisukat ang nabagsakan ay sya ang may putok. Lahat ng klaseng panlalait o katatawan ay pwedeng itatanong. Walang angal na makikiride on ang seat plan.

Habang patuloy na nagtitrip si Dyesibel ay nasambit ko ang salitang Serendipity. Kung napanood ninyo ang pelikulang ito, libro na may pamagat na "Love in Time of Cholera" at 1 dollar bill ang ginamit na medium kung talagang para sa isa't isa si Kate Beckinsale at John Cussack. Eto eh sa sarili ko lang na pananaw.

Empire State building naman ang ginamit sa paborito kung pelikulang Sleepless in Seattle. Ang mga ilaw sa gusali na kumorteng puso ang naging senyales ni Anne para ituloy ng pagpunta sa building na wala naming garantisadong makikita ang mag-amang Jonah at Sam.

Kadalasan, sa mga dalagang hindi pa sigurado sa pag-ibig ay idinadaan sa signs bago sagutin ang lalaking nanunuyo. Walang puknat ang 3 white roses o 1 dozen red roses na senyales ang katumbas ng matamis na OO. Kung minsan ay mga out of this world na bagay o pangyayari na kalimitan ay isang malaking HINDI ang sagot.

Iba naman ang hirit ni Rustom Padilla sa kanyang pag-amin sa kanyang tunay na kasarian. Isang Mariposa na dumapo sa kanya ang naging hudyat sa kanyang katanungan kun kalian siya magsisiwalat o maglalantad sa publiko ng kanyang tunay na damdamin.

Mula sa simpleng toss coin upang malaman kung sino ang unang titira hanggang sa paggamit ng mga bagay para sa senyales pagdating sa pag-ibig ay hindi parin magtatapos ang ugali ng tao na ibaling ang mga katanungan sa mga bagay. Kahibangan man o trip lang ay hindi mo maiiwasang maniwala o umasa sa sagot ng mga walang kamalay malay na bagay.

Ang huling tanong ni Dyesibel "Kailangan na ba naming umuwi?" sumagot ang balat ng Pistaccio ng isang matinding OO kayat nagsiuwian kami. Heto't ginanahan akong magsulat.

Tinanong ko ang laptop ng aking roommate kung kailangan ko ng matulog, sumagot ang laptop ng blinking red light katumbas ay low bat. 

Kapitan Sino

Matapos isulat ang resignation letter na hindi ko naman natapos, sinimulan ko namang sumulat tungkol sa bagong libro ng isa sa paborito kong manunulat, si Bob Ong. 
Ibinalita ito sa akin ni Jane na isa sa mga umiidolo sa may akda.  Sinubukan nyang bumili online pero lahat ay incomplete transaction.  Kulay Silver daw ang libro at nagtamo ng maraming magagandang review mula sa mga kritikong mamayan, mitsang nagpa-usbong sa ganid na mapasakamay ang kopya.
Nagbilin ako kay Pama na ibili ako sa Pinas ng pinakaaabangang aklat, subalit pansariling kopya lamang ang kanyang nabili.
Biyernes ng gabi pagkatapos ng trabaho, binagtas ko ng dalawang oras at kalahati ang maluwang at maliwanag na kalsada ng Dubai patungong Abu Dhabi mahiram lamang ito.  Sa sobrang gutom, kumain ako ng original Nissin Cup Noodles Shrimp flavor, matigas at malamig na brownies, Spanish Style bangus ng Century Tuna, 4 na slice ng tinapay, isang plastic na adobong mani, at isang fancy cake ng Goldilocks mula sa Pinas. Matapos kumain, kinuha ko agad ang libro mula sa kabinet na tinumbok ng direksyon ni Pama.  Sa wakas, nasa mga palad ko na ang librong panandaliang magpapatigil sa paulit-ulit na trabaho, ang librong magpapaalala sa aking ng aking pinanggalingan, ang librong magbibigay langis sa aking  utak, ang “Kapitan Sino”.
Binuksan ko ang aklat na puno ng pananabik, animoy bata na nagbubukas ng pinakamalaking regalo na natanggap sa kanyang 7th birthday.   Binasa ang unang chapter bago matulog, pinagpataloy kinabukasan habang sakay ng bus papuntang trabaho.  Inilagay sa locker.  Ninamnam ang Chapter 5 nung breaktime.  Pilit inaninag sa byahe pauwi.  Tinuunan ng buong atensyon simula ala una hanggang alas tres ng umaga.  Tanging mga hikab lamang ang nagpaudlot sa pagbabasa, bukod sa isang beses na pagjinggle.
Ibinyahe ako nito sa buhay ng mga Pilipino na namiss ko sa dalawang taong pamamalagi ko dito sa Dubai.  Ipinaalala nito sa aking ang mga sumusunod na talaga namang miss na miss ko:
·         Ang mga suking tindahan na nagsulputan sa bawat kanto Pinas.
·         Ang mga pipisuhing chichiryang laman ng mga tindahan panghimagas.
·         Ang pagtambay sa kalsada na topless, labas ang malaking tiyan.
·         Ang mga lugar sa Pilipinas lalung lalo na ang simbahan.
·         Ang mga kumakantang bulag sa mga estasyon ng tren.
·         Ang That’s Entertainment ni Kuya Germs na naabutan ko pa kahit papaano.
Ilan lamang ito sa mga naalala ko habang binabasa ang libro.  Konklusyon nga ni Jane, “80’s” ang panahon ng kwento kaya nakarelate ako.  Naalala ko nga bigla ang mukha ni Jograd dela Torre at Caisilyn Francisco nung binanggit sila sa libro eh.
Super Hero o Bayani ang mensahe ng libro.  Saklaw ang mga tanong na Ano? Saan? Kailan? Bakit? Paano maging at magiging Bayani.  Sa ngayon, isa ako akong “bagong bayani” ika nga nila sa mga OFW, pero hindi dito nagtatapos ang pagiging bayani. 
Minsan naiisip ko na masarap yatang maging bayani, biruin mo may special treatment kang matatanggap:  special mention ang mga bagong bayani sa mga speech ng gobyerno, pag namatay ka - may libingan ng mga bayani, tatayuan ka ng monumento tulad ni Rizal tapos tourist spot pa, malalagay ang pangalan at litrato mo sa libro, museums, at pera.  Pwede pang i-TV ang buhay mo o kaya sa sine pag bigtime.
“Maging bayani ka ng sarili mong buhay”….yan ang sinabi ng tatay ng bida na talaga namang bumatok sa akin ng 10 times.  Parang pag nagawa mo yun eh masasabi mo na yan yung sobrang “something to be proud of”, tapos sasabitan ka ng gold medal na may nakaukit na “excellent”, ipahihiram sayo ni San Pedro ang manok nya kasi close na kayo, parang ang ayos ayos at ang saya saya.
Pinili kong magresign at umuwi ng Pinas.  Naging bayani ba ako ng sarili kong buhay?  Sa palagay ko dipende.  Dipende kung paano ko haharapin ang hamon ng buhay matapos magresign sa trabaho.  Dipende kung paano ko gugugulin ang natitirang panahon sa aking buhay.  Kung magiging tambay at  palamunin lang ako ng magulang habang buhay eh siguradong hindi ako naging bayani ng sarili kong buhay.   Subalit kung paninindigan ko ang desisyon at ipagpatuloy ang buhay ng may magandang pangarap ay siguradong may matikas na saludo akong matatanggap mula kay Kuya Germs. 

Tabo at Arinola




Off ko ulit today (Saturday) at nandito na naman ako sa internet cafe sa isang city sa Dubai called Karama. kachat ko sa kasalukuyan si vara at nabasa ko ang pinost ni Vara. nainspire akong bigyan ng
karugtong.



Nainggit ako kay lissang dahil naisipan nyang magdala ng TABO sa Canada.

Mainit ang tubig dito sa Dubai. Karamihan sa mga nandito eh napapanot or worst, nakakalbo.  Ang solusyon eh magimbak ng tubig sa timba para palamigin.  Ang problema wala ring tabo dito kaya improvised na lang.  Meron dito nabibili malaking plastic mug kaya yun ang ginagamit nila....ako. ..kinakaya ko na lang ang init ng shower.  mabilis lang naman ako maligo (kumpletong paligo ako,shampoo, banlaw,sabon, hilod,banlaw) .
Isa ring problema nila eh karaniwan daw na nagimbak sila ng tubig sa balde eh ginagamit ito ng ibang
lahi.common cr kasi sa accommodation namin. at 
dahil di ko na prinoproblema ang tabo eh iba naman ang
problema ko dito......ARINOLAAA AAAAAAAAAA!!!

5 months na ako dito pero wala parin ako mabilan ng arinola.pahaba kasi ang accommodation namin at ang CR eh nasa gitna, ang kwarto ko eh dulong dulo.  Dahil nga aircon eh madalas ako magising para lang umihi...at syempre pag naihi ako eh kailangan ko maglakad at pagbalik ko eh mawawala na ang antok ko...nung July nagkasakit ako pero parang wala lang...sobrang every hour eh nagigising ako para lang umihi...dun ko naisip ang importansya ng arinola....sa bahay kasi namin sa pinas eh lapit ko lang sa cr at di naman aircon so hindi ako masyado nagiihi pag gabi....si mang rey lang (erpat ko) ang nagaarinola samin at made of steel ang arinola nya....di ba pag aircon or sobrang lamig madalas kang maihi?dahil ba sa hindi ka pinagpapawisan kaya kailangan mong ilabas ang tubig sa katawan sa pamamamagitan ng pagihi?ano nga bang scientific explanation meron ang lamig na nakakaapekto sa pag-ihi?guni guni ko lang ba ang mga ito?

Sa tanang buhay ko plastic at bakal/stainless na arinola pa lang ang nakakasalamuha ko. Sa Pilipinas
eh napakaraming gamit nito bukod sa pangsalo o pagipon ng ihi...

sa mga tindahan lalo na sa Divisoria, lalagyanan ito ng pera hanggang sa mapuno ng mga barya
panukli,kadalasang plastic at may kasamang takip ang arinolang ito...kung hindi ito nakatago sa ilalim ng
mesa sa tindahan,karaniwan ding ito makikita katabi ng Sto. Ninong  nakadisplay.

Kasama ang arinola sa pamahiin nating mga Pinoy lalo na sa probinsya... Swerte raw itong iregalo sa mga
bagong kasal sa kadahilanang hindi ko maipaliwanag.  Marahil siguro sa hugis nito na nakakasalo raw ng swerte at magandang panimula sa buhay.

 
Sikat rin ang arinola sa pinilakang tabing...marahil ay natawa kayo kapag may nanghaharana sa isang di
kagandahang dilag at biglang bubuhusan ng ihi na nakalagay sa arinola ang pobreng manliligaw.. .sa
bandang huli, sila rin ang magkakatuluyan.

Nakakita na ba kayo ng arinola sa department store? Sa pagkakaalala ko, sa palengke lang may arinola. Meron ata sa mall pero eto yung tipo na dekalidad at hindi nakakahiyang iregalo sa bagong kasal na tinukoy ka kanina.

Wala na akong maisip....pag may naisip akong iba pang gamit eh isusulat ko na lang ulit.

OK lang


Masaya ka ba?

Marahil ay sawang sawa na kayo kapag may nagaadvice o may nagsasabing “gawin mo kung ano ang gusto mo” o kaya’y “gawin mo kung ano ang makapagpapaligaya sayo”.

Paano kung hindi mo alam kung ano ang makapagpapaligaya sayo? Sigurado bang liligaya ka matapos gawin ang isang bagay na inakala mong makapagpapaligaya sayo?

Sa totoo lang, marami akong gustong gawin pero hindi ko alam kung saan, kailan, ano, paano.  Hindi ko rin alam kung makapagpapaligaya ba sa akin ang mga ito.  Sandamukal na kaso……..

Gusto kong magbunjee jumping…..KASO, nakakatakot (palusot, wala lang pera)
Gusto ko ng laptop at iphone…..KASO, di ko afford (wala pa ring pera)
Gusto kong magfriendster at facebook…..KASO, nakablock (bawal sa office)
Gusto ko ng Siomai ng Henlin…..KASO, walang ganun dito (paborito)
Gusto kong pumatay…..KASO, ayokong magkasala (nagpupumilit maging banal)
Gusto ko ng mamatay.....KASO, sa papaanong paraan? (minsan lang)
Gusto kong pumunta sa Amerika…..KASO, paano? (TNT)
Gusto ko makakita ng snow…..KASO, nasa disyerto ako. (kamel nakakita na ako)
Gusto kong maglinis…..KASO, tinatamad ako (batugan)
Gusto kong magvideoke.....KASO, wala ako nun (meron sa kwarto ng kabatch ko)
Gusto kong maligo.....KASO, ang lamig ng tubig (winter na eh)
Gusto kong pumayat…..KASO, ayoko magdiet at ayoko rin magexercise (obese)
Gusto ko ng magresign….. KASO, mahirap din maghanap ng trabaho (world crisis)
Gusto kong magbody fit na damit…..KASO, di bagay (malaki tyan ko)
Gusto kong uminom ng alak…..KASO, mahirap kumuha ng alak (Ilegal sa bahay)
Gusto kong bumait…..KASO, di ko magawa (wag kantahin)

Nangangahulugang hindi lahat ng gusto mo ay makapagpapaligaya sayo at hindi lahat ng makapagpapaligaya sayo ay gusto mo at hindi lahat ng gusto mo ay pwede mong gawin at hindi lahat ng pwede mong gawin ay gusto mo.

Parang napakahirap ngang isipin kung paano maging maligaya pero sabi ng bestfriend ko sa shout out nya sa friendster:“ Happiness is just around the corner”.  Maibida lang si sya kaya ko siningit to.  Siguro nga masaya sya sa ngayon.

Walang akong gustong ipunto sa mga nasulat, gusto ko lang kayong bigyan ng isang matinding tanong kung masaya kayo.

Kung ako ang tatanungin kung masaya ako sa ngayon, ang sagot ko:  “OK lang ako”


Perfect Job

view from Reethi Restaurant
Di ko makalimutan ang April 30 2009, last day ko sa Maldives.   Naglunch kami ng 2 kong boss: Akino from Japan, Assistant Director of Sales, si Jackie ng South Africa, Reservations Manager.  Maganda ang view dahil nasa outside deck kami ng Reethi Restaurant.   Tanaw ang malawak na karagatan na bumabalot sa Isla.  Patuloy sa pagstop dance ang mga talangka sa batuhan, walang pakialam ang mga isda sa pagjive, gayundin ang mga puno ng niyog na nakikipagswing sa ihip ng hangin.  Klimang tulad ng sa Pinas na magpapalabas ng butil-butil na pawis sa buong katawan.  Di pinatawad pati ang nagtatagong singit.   Umorder ako ng Nasi Goreng na isa sa sikat na pagkain ng mga Indonesian.  Kumpletos rekados ang pagkaing ito, para syang Chinese fried rice pero ang nasi goreng ay medyo mamantika, dipende siguro sa pagkakaluto.  May kasamang pritong itlog, manok, shrimp, beef, sili, at kung anu anong spices and herbs na nagpasarap sa putahe.  

Kahit one liner at side comments lang ang mga banat ko, pinilit kong huwag duguin ang ilong at tenga sa pangeenglish.  Kahit napapahinto at pilit kinokorek ang mga wrong grammar na nasambit eh tuloy parin ang pagshashare tungkol sa trabaho, career, at buhay.
“So what are your plans in life?” Ang tumataginting na tanong na nakapagpablanko sa isipan ko.  Masyadong malawak ang tanong, parang kailangan ng matinding konsentrasyon para pagnilayan ang isasagot. 
Kung tutuusin, sa edad kong bente sais, dapat alam ko na kung ano ang plano ko sa buhay.  Dapat nakalatag na at plantsado na ang landas na babagtasin. 
Ang sagot na lumabas sa mga bibig ko: “I really don’t know.  But I want to study, maybe start a restaurant.  I enjoy working in a hotel industry but still I don’t know if this is really for me.” 
Kahit di ako nakarinig ng palakpak mula sa mga kasalong katrabaho, alam kong naunawaan nila ang sagot ko.  Sa totoo lang, di ko parin talaga alam kung diretso pa ba ang takbo ng career ko.   Si Jackie, gusto nyang magbreed ng kabayo, si Akino gustong maging Marine Biologist.  Pero hindi kaming tatlo ang bida sa artikulong ito, dahil ibibida ko ang kapatid ni Akino na nabanggit nya sa pagshashare nya sa kung ano ang plano nya sa buhay. 
Akala daw ni Akino eh hindi matino ang kapatid nya dahil papalit-palit ito ng kurso at palipat-lipat ng trabaho.  Pero nang mag trentay siete ata, kung hindi ako nagkakamali, ay saka pa lamang nahanap ang talagang trabaho na tutugma at aayon sa buhay nya.  Trabaho kung saan sya masaya, trabaho na pagkakatandaan nya, trabahong magbibigay silbi sa buhay nya, trabahong babansagan nating “Perfect Job”.
Sa isang magazine ay nabasa ko na 80% daw sa mga empleyado ay nagtatrabaho lamang for the sake na may trabaho, may kita, may perang panggastos na tutugon sa pangaraw-araw na gastos, at hindi ang trabaho kung saan sila masaya.   Naisip ko, isa ako sa nakadagdag sa porsyentong ito dahil hindi ko alam kung masaya ba ako sa trabaho ko.  Nagtatrabaho ako sa banyagang bansa, malayo sa pamilya, malayo sa mga kaibigan.   Nagtatrabaho lang ako para kumita, para may masabing may trabaho ako.  Sa milyun-milyong OFW na nagtatrabaho sa iba’t ibang parte ng mundo, masaya kaya sila?
Sa panahon ba ngayon, hindi na importante kung masaya ka o hindi sa trabaho?  Kapag ba tumagal ang isang tao sa trabaho ay nangangahulugang masaya sila sa trabaho nila?  Kung tatanungin natin ang mga retired nating mga magulang kung naging masaya sila sa naging trabaho nila, Ano kaya ang isasagot nila? 
And retired kong erpat, Father, Daddy, Dad, Papa, Pa, Papi, Papsi, Pap, Tatay, Itay, Tay, Ama, si Mang Rey na sa isang kumpanya lamang nagtrabaho sa buong buhay nya matapos magkolehiyo, eh kunwaring sasagot sa tanong eh lalagyan natin ng konting drama ang gusto kong isagot nya: “Anak, ang trabahong yun ang nagpatapos sa inyong apat na magkakapatid, ang trabahong yun ang nagbigay atin ng tahanan, ang nagtustos sa pangaraw-araw nating pangangailangan,”  Pero tulad ng isang director eh icucut ko ang dialogue at baka maiyak pa ako at hahayaang nakatiwangwang ang tanong kung naging masaya ba sya sa trabaho nya?
Tama na may marangal kang trabaho.  Pero mas Tama, kung may marangal kang trabaho at masaya ka sa trabaho. 
Hindi ko sinasabing magpalipat lipat ka ng trabaho hanggang sa mahanap mo ang “perfect job” dahil ako mismo, hindi ko pa nahahanap yun.  Nasa proseso pa lang siguro ako sa paghahanap nun.  Nagtrabaho ako sa call center, sa hotel, nag abroad, pero hindi ko alam ang susunod.  Nalilinya ako sa customer service.  May marangal akong trabaho, pero masaya ba ako? o pinapasaya ko lang ang sarili ko para tumagal ako sa trabaho?  Iba ang magtagal sa trabaho dahil masaya ka sa pagloko sa sarili na maging masaya para magtagal sa trabaho.
Minsan, nakakainggit ang mga taong nagpipiyesta na sa kanilang “perfect job” tulad ng sa kapatid ni Akino.  Kailan kaya mangyayari sakin yun, at mangyayari kaya sakin yun? Sabi nga sa theme song ng teleseryeng Ula: Ang Batang Gubat kung saan bida si Judy Ann Santos: “Kailan ba darating ang bukas para sakin, malayo pa ang umaga”.   Kailangan nga ba darating?  Hindi naman ako masyadong atat pero  sana nga eh mahanap ko at makuha nating lahat ang “perfect job”.