Friday, October 8, 2010

Perfect Job

view from Reethi Restaurant
Di ko makalimutan ang April 30 2009, last day ko sa Maldives.   Naglunch kami ng 2 kong boss: Akino from Japan, Assistant Director of Sales, si Jackie ng South Africa, Reservations Manager.  Maganda ang view dahil nasa outside deck kami ng Reethi Restaurant.   Tanaw ang malawak na karagatan na bumabalot sa Isla.  Patuloy sa pagstop dance ang mga talangka sa batuhan, walang pakialam ang mga isda sa pagjive, gayundin ang mga puno ng niyog na nakikipagswing sa ihip ng hangin.  Klimang tulad ng sa Pinas na magpapalabas ng butil-butil na pawis sa buong katawan.  Di pinatawad pati ang nagtatagong singit.   Umorder ako ng Nasi Goreng na isa sa sikat na pagkain ng mga Indonesian.  Kumpletos rekados ang pagkaing ito, para syang Chinese fried rice pero ang nasi goreng ay medyo mamantika, dipende siguro sa pagkakaluto.  May kasamang pritong itlog, manok, shrimp, beef, sili, at kung anu anong spices and herbs na nagpasarap sa putahe.  

Kahit one liner at side comments lang ang mga banat ko, pinilit kong huwag duguin ang ilong at tenga sa pangeenglish.  Kahit napapahinto at pilit kinokorek ang mga wrong grammar na nasambit eh tuloy parin ang pagshashare tungkol sa trabaho, career, at buhay.
“So what are your plans in life?” Ang tumataginting na tanong na nakapagpablanko sa isipan ko.  Masyadong malawak ang tanong, parang kailangan ng matinding konsentrasyon para pagnilayan ang isasagot. 
Kung tutuusin, sa edad kong bente sais, dapat alam ko na kung ano ang plano ko sa buhay.  Dapat nakalatag na at plantsado na ang landas na babagtasin. 
Ang sagot na lumabas sa mga bibig ko: “I really don’t know.  But I want to study, maybe start a restaurant.  I enjoy working in a hotel industry but still I don’t know if this is really for me.” 
Kahit di ako nakarinig ng palakpak mula sa mga kasalong katrabaho, alam kong naunawaan nila ang sagot ko.  Sa totoo lang, di ko parin talaga alam kung diretso pa ba ang takbo ng career ko.   Si Jackie, gusto nyang magbreed ng kabayo, si Akino gustong maging Marine Biologist.  Pero hindi kaming tatlo ang bida sa artikulong ito, dahil ibibida ko ang kapatid ni Akino na nabanggit nya sa pagshashare nya sa kung ano ang plano nya sa buhay. 
Akala daw ni Akino eh hindi matino ang kapatid nya dahil papalit-palit ito ng kurso at palipat-lipat ng trabaho.  Pero nang mag trentay siete ata, kung hindi ako nagkakamali, ay saka pa lamang nahanap ang talagang trabaho na tutugma at aayon sa buhay nya.  Trabaho kung saan sya masaya, trabaho na pagkakatandaan nya, trabahong magbibigay silbi sa buhay nya, trabahong babansagan nating “Perfect Job”.
Sa isang magazine ay nabasa ko na 80% daw sa mga empleyado ay nagtatrabaho lamang for the sake na may trabaho, may kita, may perang panggastos na tutugon sa pangaraw-araw na gastos, at hindi ang trabaho kung saan sila masaya.   Naisip ko, isa ako sa nakadagdag sa porsyentong ito dahil hindi ko alam kung masaya ba ako sa trabaho ko.  Nagtatrabaho ako sa banyagang bansa, malayo sa pamilya, malayo sa mga kaibigan.   Nagtatrabaho lang ako para kumita, para may masabing may trabaho ako.  Sa milyun-milyong OFW na nagtatrabaho sa iba’t ibang parte ng mundo, masaya kaya sila?
Sa panahon ba ngayon, hindi na importante kung masaya ka o hindi sa trabaho?  Kapag ba tumagal ang isang tao sa trabaho ay nangangahulugang masaya sila sa trabaho nila?  Kung tatanungin natin ang mga retired nating mga magulang kung naging masaya sila sa naging trabaho nila, Ano kaya ang isasagot nila? 
And retired kong erpat, Father, Daddy, Dad, Papa, Pa, Papi, Papsi, Pap, Tatay, Itay, Tay, Ama, si Mang Rey na sa isang kumpanya lamang nagtrabaho sa buong buhay nya matapos magkolehiyo, eh kunwaring sasagot sa tanong eh lalagyan natin ng konting drama ang gusto kong isagot nya: “Anak, ang trabahong yun ang nagpatapos sa inyong apat na magkakapatid, ang trabahong yun ang nagbigay atin ng tahanan, ang nagtustos sa pangaraw-araw nating pangangailangan,”  Pero tulad ng isang director eh icucut ko ang dialogue at baka maiyak pa ako at hahayaang nakatiwangwang ang tanong kung naging masaya ba sya sa trabaho nya?
Tama na may marangal kang trabaho.  Pero mas Tama, kung may marangal kang trabaho at masaya ka sa trabaho. 
Hindi ko sinasabing magpalipat lipat ka ng trabaho hanggang sa mahanap mo ang “perfect job” dahil ako mismo, hindi ko pa nahahanap yun.  Nasa proseso pa lang siguro ako sa paghahanap nun.  Nagtrabaho ako sa call center, sa hotel, nag abroad, pero hindi ko alam ang susunod.  Nalilinya ako sa customer service.  May marangal akong trabaho, pero masaya ba ako? o pinapasaya ko lang ang sarili ko para tumagal ako sa trabaho?  Iba ang magtagal sa trabaho dahil masaya ka sa pagloko sa sarili na maging masaya para magtagal sa trabaho.
Minsan, nakakainggit ang mga taong nagpipiyesta na sa kanilang “perfect job” tulad ng sa kapatid ni Akino.  Kailan kaya mangyayari sakin yun, at mangyayari kaya sakin yun? Sabi nga sa theme song ng teleseryeng Ula: Ang Batang Gubat kung saan bida si Judy Ann Santos: “Kailan ba darating ang bukas para sakin, malayo pa ang umaga”.   Kailangan nga ba darating?  Hindi naman ako masyadong atat pero  sana nga eh mahanap ko at makuha nating lahat ang “perfect job”.

No comments:

Post a Comment