Friday, October 8, 2010

Kapitan Sino

Matapos isulat ang resignation letter na hindi ko naman natapos, sinimulan ko namang sumulat tungkol sa bagong libro ng isa sa paborito kong manunulat, si Bob Ong. 
Ibinalita ito sa akin ni Jane na isa sa mga umiidolo sa may akda.  Sinubukan nyang bumili online pero lahat ay incomplete transaction.  Kulay Silver daw ang libro at nagtamo ng maraming magagandang review mula sa mga kritikong mamayan, mitsang nagpa-usbong sa ganid na mapasakamay ang kopya.
Nagbilin ako kay Pama na ibili ako sa Pinas ng pinakaaabangang aklat, subalit pansariling kopya lamang ang kanyang nabili.
Biyernes ng gabi pagkatapos ng trabaho, binagtas ko ng dalawang oras at kalahati ang maluwang at maliwanag na kalsada ng Dubai patungong Abu Dhabi mahiram lamang ito.  Sa sobrang gutom, kumain ako ng original Nissin Cup Noodles Shrimp flavor, matigas at malamig na brownies, Spanish Style bangus ng Century Tuna, 4 na slice ng tinapay, isang plastic na adobong mani, at isang fancy cake ng Goldilocks mula sa Pinas. Matapos kumain, kinuha ko agad ang libro mula sa kabinet na tinumbok ng direksyon ni Pama.  Sa wakas, nasa mga palad ko na ang librong panandaliang magpapatigil sa paulit-ulit na trabaho, ang librong magpapaalala sa aking ng aking pinanggalingan, ang librong magbibigay langis sa aking  utak, ang “Kapitan Sino”.
Binuksan ko ang aklat na puno ng pananabik, animoy bata na nagbubukas ng pinakamalaking regalo na natanggap sa kanyang 7th birthday.   Binasa ang unang chapter bago matulog, pinagpataloy kinabukasan habang sakay ng bus papuntang trabaho.  Inilagay sa locker.  Ninamnam ang Chapter 5 nung breaktime.  Pilit inaninag sa byahe pauwi.  Tinuunan ng buong atensyon simula ala una hanggang alas tres ng umaga.  Tanging mga hikab lamang ang nagpaudlot sa pagbabasa, bukod sa isang beses na pagjinggle.
Ibinyahe ako nito sa buhay ng mga Pilipino na namiss ko sa dalawang taong pamamalagi ko dito sa Dubai.  Ipinaalala nito sa aking ang mga sumusunod na talaga namang miss na miss ko:
·         Ang mga suking tindahan na nagsulputan sa bawat kanto Pinas.
·         Ang mga pipisuhing chichiryang laman ng mga tindahan panghimagas.
·         Ang pagtambay sa kalsada na topless, labas ang malaking tiyan.
·         Ang mga lugar sa Pilipinas lalung lalo na ang simbahan.
·         Ang mga kumakantang bulag sa mga estasyon ng tren.
·         Ang That’s Entertainment ni Kuya Germs na naabutan ko pa kahit papaano.
Ilan lamang ito sa mga naalala ko habang binabasa ang libro.  Konklusyon nga ni Jane, “80’s” ang panahon ng kwento kaya nakarelate ako.  Naalala ko nga bigla ang mukha ni Jograd dela Torre at Caisilyn Francisco nung binanggit sila sa libro eh.
Super Hero o Bayani ang mensahe ng libro.  Saklaw ang mga tanong na Ano? Saan? Kailan? Bakit? Paano maging at magiging Bayani.  Sa ngayon, isa ako akong “bagong bayani” ika nga nila sa mga OFW, pero hindi dito nagtatapos ang pagiging bayani. 
Minsan naiisip ko na masarap yatang maging bayani, biruin mo may special treatment kang matatanggap:  special mention ang mga bagong bayani sa mga speech ng gobyerno, pag namatay ka - may libingan ng mga bayani, tatayuan ka ng monumento tulad ni Rizal tapos tourist spot pa, malalagay ang pangalan at litrato mo sa libro, museums, at pera.  Pwede pang i-TV ang buhay mo o kaya sa sine pag bigtime.
“Maging bayani ka ng sarili mong buhay”….yan ang sinabi ng tatay ng bida na talaga namang bumatok sa akin ng 10 times.  Parang pag nagawa mo yun eh masasabi mo na yan yung sobrang “something to be proud of”, tapos sasabitan ka ng gold medal na may nakaukit na “excellent”, ipahihiram sayo ni San Pedro ang manok nya kasi close na kayo, parang ang ayos ayos at ang saya saya.
Pinili kong magresign at umuwi ng Pinas.  Naging bayani ba ako ng sarili kong buhay?  Sa palagay ko dipende.  Dipende kung paano ko haharapin ang hamon ng buhay matapos magresign sa trabaho.  Dipende kung paano ko gugugulin ang natitirang panahon sa aking buhay.  Kung magiging tambay at  palamunin lang ako ng magulang habang buhay eh siguradong hindi ako naging bayani ng sarili kong buhay.   Subalit kung paninindigan ko ang desisyon at ipagpatuloy ang buhay ng may magandang pangarap ay siguradong may matikas na saludo akong matatanggap mula kay Kuya Germs. 

No comments:

Post a Comment