Alas dos ng madaling araw, ikalawang araw sa buwan ng Setyembre taong dalawang libo at walo sa tabi ng pader ng C2 block malapit sa 2 malaking basurahan. Hindi na naman mapagkatulog ang dalawang magkaibigan sapagkat kakakain lamang ng pancit canton. Sa umagang ito, hindi Lucky Me ang iniluto kundi Indo Me na may flavor na Mi Goreng. Gawa sa Indonesia na mabibili sa lahat ng suking tindahan dito sa Dubai. Solve sa pagkain kasabay sa panulak na Buco Juice in can.
Matapos kumain at humithit ng Marlboro lights, sinimulan muli ang kuwentuhan ng kung anu anong bagay.
Tumayo ang aking kaibigan na itatago natin sa pangalang Dyesibel. May nakitang isang malutong na balat ng pistaccio. At sa di inaasahang pangyayari ay sinimulang sipain ito…..
Bricks ang sahig ng aming accommodation kaya't sa katabaan ng utak ni Dyesibel ay may naisip siyang trip.
Simple lang ang trip. Kapag pumatong ang balat sa ibabay ng brick ay OO ang katumbas nito. Kapag sa pagitan ng bricks bumagsak ang balat ay HINDI ang kahulugan sa bawat tanong na babanggitin.
Unang tanong, "Magiging kami ba ni **tutut** balang araw?", sambit ni Dyesibel. Walang anu-ano'y sinipa ang balat at umibabaw sa isang brick. Kinilig si Dyesibel. Halatang may konting paniniwala na totoo ang kasagutan ng walang alam na balat ng Pistaccio.
Ang unang tanong ay nasundan pa ng kung anu anong tanong tungkol sa pag-ibig, pagkakaibagan, buhay, career, etc.
Nakatutuwang isipin na minsan, sa buhay ng tao, ay may mga katanungan tayo na ibinabase sa mga bagay o pangyayari na wala namang kasiguraduhan o katotohanan man lamang.
Marahil ay naingkwentro nyo narin ang katagang "He/ She Loves me, He/She loves me not". Kadalasang may hawak ng bulaklak ang taong nagsasabi nito at tinatanong kung mahal sya ng taong napupusuan. Iba naman ang kaso ng commercial ng Purefoods Tender Juicy hotdog na kung saan ay hotdog ang ginamit ng bidang bata na inaakalang makakasagot sa kanyang katanungan. Si Patrick Garcia (Carlo) pa ata ang crush nya kung hindi ako nagkakamali. Ang sagot ng hotdog…… love ni Patrick ang matabang bata. Kinilig naman ang bata at nabusog pa.
Hindi mo rin napagdaanan ang pagiging bata kung hindi mo ginawa ang mahiwagang papel. Ang papel ay itutupi hanggang sa maging mukhang puppet. Ang bawat tatsulok na tupi ay susulatan ng numero o kulay na pagpipilian ng taong magtatanong. May katumbas na adjective sa likod ng bawat numero o kulay. Ibubuka't isasara ang tinuping papel saka papipiliin ang inosenteng bata. Minsan ay hihipan pa bago isiwalat ang nakasulat sa loob. Madalas ay matalino ang lumalabas sa pinili kong sulat kaya hanggang ngayon ay pinipilit kong paniwalain ang sarili kong matalino ako.
Sa loob ng classroom, iba naman ang trip ng mga estudyante. Hindi ko alam kung uso sa inyo yung seat plan? Sa isang papel o pag sosyal ng konti eh folder eh maglalagay ng mga boxes at nakasulat duon ang pangalan ng taong nakaupo sa bawat silyang katumbas sa seat plan. Kailangan lang ng 25 cents para paglaruan ang seatplan ni Maam. Halimbawa, magtatanong ang estudyante kung sino ang may putok sa classroom. Ihahagis ang coin at kung sino ang kawawang parisukat ang nabagsakan ay sya ang may putok. Lahat ng klaseng panlalait o katatawan ay pwedeng itatanong. Walang angal na makikiride on ang seat plan.
Habang patuloy na nagtitrip si Dyesibel ay nasambit ko ang salitang Serendipity. Kung napanood ninyo ang pelikulang ito, libro na may pamagat na "Love in Time of Cholera" at 1 dollar bill ang ginamit na medium kung talagang para sa isa't isa si Kate Beckinsale at John Cussack. Eto eh sa sarili ko lang na pananaw.
Empire State building naman ang ginamit sa paborito kung pelikulang Sleepless in Seattle. Ang mga ilaw sa gusali na kumorteng puso ang naging senyales ni Anne para ituloy ng pagpunta sa building na wala naming garantisadong makikita ang mag-amang Jonah at Sam.
Kadalasan, sa mga dalagang hindi pa sigurado sa pag-ibig ay idinadaan sa signs bago sagutin ang lalaking nanunuyo. Walang puknat ang 3 white roses o 1 dozen red roses na senyales ang katumbas ng matamis na OO. Kung minsan ay mga out of this world na bagay o pangyayari na kalimitan ay isang malaking HINDI ang sagot.
Iba naman ang hirit ni Rustom Padilla sa kanyang pag-amin sa kanyang tunay na kasarian. Isang Mariposa na dumapo sa kanya ang naging hudyat sa kanyang katanungan kun kalian siya magsisiwalat o maglalantad sa publiko ng kanyang tunay na damdamin.
Mula sa simpleng toss coin upang malaman kung sino ang unang titira hanggang sa paggamit ng mga bagay para sa senyales pagdating sa pag-ibig ay hindi parin magtatapos ang ugali ng tao na ibaling ang mga katanungan sa mga bagay. Kahibangan man o trip lang ay hindi mo maiiwasang maniwala o umasa sa sagot ng mga walang kamalay malay na bagay.
Ang huling tanong ni Dyesibel "Kailangan na ba naming umuwi?" sumagot ang balat ng Pistaccio ng isang matinding OO kayat nagsiuwian kami. Heto't ginanahan akong magsulat.
Tinanong ko ang laptop ng aking roommate kung kailangan ko ng matulog, sumagot ang laptop ng blinking red light katumbas ay low bat.
No comments:
Post a Comment